alas kwatro
I.
napamulat ako matapos ang isang masamang panaginip. kinapa ko ang kapatid ko sa tabi; alas kwatro pa lang siguro kase hindi pa siya bumabangon.
pagbaba ko ng kama, may narinig akong kumatok sa pinto. a, yung magpapabantay siguro ng anak. di bale, ayos lang, mamayang alas otso lang naman darating na yung totoog magbabantay sa anak niya.
pagtapat ko sa pinto, binuksan ko yung ilaw sa labas. alam kong madilim pa rin naman. pagbukas ko ng pinto, dama ko ang lamig ng hangin. alas kwatro pa nga lang talaga.
“sino yan?” tanong ko sa kumatok.
II.
alas kwatro ng umaga. mahaba-habang byahe ulit papuntang trabaho. pagbaba ko ng tricycle, inabot ko na ang isandaang pisong papel. inisip ko ulit ang lahat ng dapat dala ko papuntang trabaho. lahat ng kailangan at mga baka kailanganin.
sa opisina, nadatnan kong nagma-mop yung janitor namin sa hallway. maputik na sa labas kaya nag-rubber shoes ako. kahit masama ang panahon, kailangan pumasok kase walang ibang gagawa ng trabaho ko kundi ako.
paglagpas sa hallway, may tumawag sa selpon ko. “male-late akong makauwi-” wala namang problema, may nagbabantay sa kanya. may mga hindi talaga inaasahang pangyayari. at ako, handa ako sa mga yon.
ekta-ektarya
sa tindi ng pag-ibig, may mga sumusungkit ng buwan at bituin. nag-aalok ng byaheng kalawakan. may mga naglilipat ng bundok at sumisisid ng dagat na parang si donya juana.
narinig na ng hangin ang lahat ng pangakong susuungin anumang bagyo. magpapagal sa ilalim ng araw. hindi lilisan hanggang sa paggunaw ng mundo.
tapos merong bumibili ng ekta-ektaryang espasyo. ang lala nila magmahal.